Minsang madaling magsabi nang maayos at maganda ngunit mahirap namang isagawa ang nilalaman nito. Milyon ang alipin ng salita. Ang pinaka-makapangyariahang salita para sa akin ay mga mensaheng nakikita ng isang bulag at naririnig ng isang bingi. Maipaparamdam sa isang kaluluwang kapos sa pagmamahal. Ito ba ang tinatawag na nonverbal language?
Ang magadang pagtanaw ng isang bansa sa kanyang salita ay maituturing na isang tagumpay. Masakit tanggapin na sa bagong henerasyon ay walang gaanong halaga ang salitang atin. Unawain na lang natin sila. Marahil ito ay kaakibat ng pagbabago sa mundo na patuloy na "lumiliit." Globalization daw ang tawag dito. Hindi man sila maalam sa salitang galing sa baul ni Lola, huwag na natin silang husgahan. Ang mahalaga, mahal nila ang Pilipinas at tass-noo pa rin silang Pilipino sa isip at gawa.
Wala naman iyon sa kung gaano mo kaganda binuo ang iyong salita, bagkus iyon ay nasa kahulugan at konteksto ng iyong paggamit. Kahulugang may lalim at sundot sa pagiisip. Kung kakausapn mo daw ang isang tao sa wikang kanyang naiintindihan, lahat ay pupunta lamang sa ulo. Ngunit kung kakausapin mo siya sa wikang kanyang ginagamit, lahat ay pupunta sa puso.
Ang salita at wika ang damit ng ating pagiisip. Marahil kung lahat ay yayakap sa salitang "kapayapaan," walang giyera o awayan sa mundo. Dahil ang naniniwala sa sabi-sabi walang bait na sarili. Ano daw? Kasi naman, ang mga banyaga ang galing managalog. Ang mga Pilipino naman pilipit ang dila sa pagsambit ng banyagang wika.
Ano mang wika ang ating gamit, ang salita ay ang dugo na ating kaluluwa kung saan ang kaisipan ay nabubuhay at doon ay lumalago.
Indak ang wika ng isang manayaw, musika at kanta para naman sa isang mangaawit, tula sa isang makata, larawang guhit sa isang pintor. Sa isang tunay na Pilipino, ano kaya?